Monday, April 13, 2009

Ang Titik K

Ito po ang mga salita para sa titik K.
  • kabulyag(adj) - isang sitwasyon kung saan hindi magkamayaw ang mga tao.
  • kaligya(adj) - isang sitwasyon kung saan hindi magkamayaw ang mga tao.
  • kawhe(n) - pantanggal ng antutuli
  • karitan(n) - puno ng buli o kaya ay niyog na kinukuhanan ng tuba.
  • kasilyas(n) - kubeta po ito sa mga taga-bayan
  • kayakas(n) - mga tuyong dahon ng saging.
  • kayakas(adj) - isang tao na sobrang ingay o sobrang dami ng kwento.
  • kungo(n) - isang uri ng alimango na karaniwang nahuhuli sa pamamagitan ng patibong na itinataan sa agbang.
  • kagang(n) - isang uri din ng alimango pero ito ay karaniwang nakikita sa mga bunton ng bunot o kaya ay sa masusukal na lugal sa gubat.
  • karag(n) - isang uri ng alimango. Sa ingles ito ay tinatawag na ghost crab.
  • kaltang(n) - isang isda, kulapo n sobrang laki, kaya napakalaki na din ng bunganga. Ayon sa alamat, kapag nakati daw ay hinihigop ng isang kaltang ang tubig sa dagat.
  • kabi-kabi(adj/n?) - di ko rin maintindihan kung ano ito pero kapag maingay kami sa klase ay ganito ang sinasabi ng aming guro: "Ano gang iingay ninyo, siyang siya kayo ng mga kabi-kabi.
  • kima(n) - isa sa mga pinakamalalaking kabibe.
  • kulkol(v) - pang sinabing nagkukulkol, ang ibig sabihin nito ay naghuhukay.
  • kilya(n) - ito ang nagsisilbing protesksyon ng kasko ng isang bangka upang hindi agad magasgas kapag isinasaray ang isang bangka.
  • kasko(n) - parte ng isang bangka kung saan ikinakabit ang parka
  • katig(n) - karaniwang gawa sa kawayan, ito ang nagsisilbing panimbang ng isang bangka.
  • kurikan(n) - isang bangkang de-layag. karaniwang ginagamit sa pagpapahila upang makahuli ng tulingan.
  • kurukutok(n) - isang hayop na kamukha ng kuto. Karaniwan itong nakatira sa mga silong ng bahay kung saan ay magabok o mabuhangin.
  • kulkol(v) - kasingkahulugan ng salitang hukay. Hal. Ang aso namin ay mahilig magkulkol sa harapan.
  • kagkag(v) - kasingkahulugan ng kamot. Hal. Kinagkag ni Tiro ang kanyang ulo bago sumunod sa kanyang asawa.


Wednesday, April 8, 2009

Ang Titik B

Ito naman ho ang mga salita para sa titik B.

  • bagoong (n) - maliliit na isda gaya ng dulong at balakwas na nilamas sa asin. Karaniwang pinipigan ng kalamansi at inuulam sa bahaw. Karaniwan din na pangunahing pangangailangan ng mga naglilihi para sawsawan ng mangga.
  • bagting (adj) - kalagayan kung saan ay halos malagot na ang isang panali o hapin.
  • balakwas (n) - maliliit na isda na nakislap at maramihan kung mahuli. Ginagawa itong bagoong at maganda ring pamain pag nangangawil.
  • balag (n) - ito ay pakabagan ng anumang halaman na nakabag gaya ng sitaw, ampalaya, pipino, atbp.
  • balatong (n) - sa mga sosyal ay munggo ang tawag dito.
  • balinghoy (n) - sa Maynila ay kamoteng kahoy ang tawag dito. Isa itong lamang-ugat na masarap ilabon at isawsaw sa niyog na may asukal. Ito rin ang pangunahing sangkap ng nilupak.
  • balisong (n) - ang wala nito sa Batangas ay hindi tunay na Batangenyo.
  • batang (n) - patay na kahoy na nakalutang sa dagat. Delikado ito sa mga magmomotor at dapat iwasan.
  • barik (adj) - isang taong nakarami ng nainom na alak, tuba o lambanog.
  • barog (v) - nagsasaad ng kilos kung saan ang isang tao ay binuhat tapos ay ibinagsak. Hal. Ibinarog ni Isko ang biyenan niyang makulit pagka barik na.
  • baruto (n) - isang bangka na ginagamit sa pagdadala ng pasahero ng mga bangka papunta sa aplaya pag hindi na makaatraka ang malaking bangka dahil sayad na ang kasko.
  • baynat (adj?) - karaniwang nangyayari sa mga taong galing sa sakit at nagtrabaho na agad.
  • bigwas (v) - ginagamit na salitang panghalili sa sumbi. Hal. Pagkakakulit eh, ay di binigwasan ko na.
  • bualaw (n) - mais na hinimay, inilaga at nilagyan ng gata. Napakasarap na pagkain na epektibo din na pampahangin.
  • bukhayo (n) - niyog na malangito, kinayod at niluto sa asukal. Pakumbo ang katumbas nito sa ibang wika.
  • bukot (n) - salitang ginagamit panghalili sa salitang sumbrero at minsan din ay tinatawag na gura.
  • bug-ong (n) - kanin, kasama ang pang-ulam na binalot sa dahon ng saging.
  • bungal (adj) - pamalit na salita sa bungi.
  • buntal (adj) - isang kilos na isinasagawa sa pamamagitan ng pagapalo ng malakas sa puwitan at kung minsan ay kung saan na tamaan. Hal. Sa kapilyuhan ng anak ko, hindi ako nakapagpigil,ay binuntal ko na.

May naiisip pa ga ho kayo, ibahagi ninyo dito at ng magkaigi tayo.

Ang Titik A

Ang titik "a" ang kauna-unahan sa ating alpabeto. Kung sa karaniwang abakada titingnan, karaniwang ang kasama nitong larawan o salita ay aso, kung sa English aplhabet naman ito ay apple, ano naman kaya ito sa Abakadang Ala Eh?

Are na ho ang sabi ng mga Batangueño:

  • ag-agan(n) - ginagamit ng mga karpintero para paghiwalayin ang buhangin sa graba at grabitas
  • agipo - panggatong o uling na may apoy pa
  • agbang(n) - ito ay isang ilog o kaya ay ilug-ilugan na naiga na at karaniwang nagkakatubig lamang pag may bagyo
  • aguha(n) - ito ay isang malaking karayom
  • agwanta(v) - ito ang katumbas ng salitang tiis. hal: Kung maikli ang kumot, mag-agwanta kang bumaluktot
  • alamag(n) - ito ho yung nakislap sa gabi pag hinahalo natin ang dagat.
  • alamag (adj) - nagsasaad na ang tuba na binarik ay natalab na. Hal: Pare naalamag na eh, pass muna ako.
  • alid(n) - ito ay dulis o kaya ay lumbak na pinatuyo, karaniwang pinipirito o isinasangag para maiulam. dilis ang tawag dito ng ilan
  • alis-is(adj?) - ibig sabihin nito ay mainit o maalinsangan. syn. mabanas
  • aluy-uy(adj) - nangangahulungan ng pagtuod ng mga salita sa pamamaraang halos ay kumakanta
  • ampiyas(n) - ito ay nagaganap tuwing naulan, ang tubig na napasok sa bintana na hindi agad naisara ay tinatawag na ampiyas
  • apiki(adj) - isang sitwasyon kung saan ang isang tao ay hindi na makaibo
  • arkansa(n?)- kasingkahulugan ng salitang mag-adhika
  • asarol(n) - ginagamit sa pagbabangbang
  • asada(n) - kagaya rin ng asarol, are nga laang ay mas malapad ang talin at mas malambot kaysa asarol
  • asbag(adj) - pantukoy sa isang tao na wala nang ibang magaling kundi siya

Alam ko ho na kayo ay napakarami pang alam ng maaaring idagdag para dito sa titik A. Kaya hala, huwag na ho kayong mag-agwanta, sige ho dagdagan na ninyo ang bokabularyo natin, paki-type na lamang ho sa comments.

Isa nga pala pong katanungan, ano po ang tawag sa hawakan ng asarol at asada?

Wednesday, April 1, 2009

Talasalitaan ng mga taga-Batangas

Magandang araw ho sa inyo mga kapwa taga-Batangas. Alalaon baga ho ay bilang isang taal na Batangenyo ay ako ho ay napaibig na gumawa ng isang talasalitaang para sa ating lamang.

Bilang panimula ho ay maglalagay ako ng mga ilang salita at napakaganda ho kung inyong dadagdagan. Sa bandang huli ho ay gusto ko itong ilimbag at ipamahagi sa ating mga kasamahan bilang tanda at dangal ng ating angkan.

Sana ho ay sumali kayo dito at magsaya tayo na ipagmalaki sa mundo ang ating kakaibang kultura, at ng dine din ho ay makatagpo natin ang iba pa nating mga kababayan.